An Open Letter to Vic Sotto by Lourd de Veyra
Read below the open letter of Lourd de Veyra to My Little Bossings lead actor Vic Sotto as he tackles about over commercializing and giving ...
https://pinoyinhinyero.blogspot.com/2014/01/an-open-letter-to-vic-sotto-by-lourd-de.html
Read below the open letter of Lourd de Veyra to My Little Bossings lead actor Vic Sotto as he tackles about over commercializing and giving back to the people, next time.
Dear Bossing Vic Sotto,
Una sa lahat, happy new year.
Magpapakilala muna ako. Ako po si Lourd de Veyra. Fan ako ng Tito, Vic, and Joey bago pa lang ako natutong magsulat—kung tutuusin, kaya kong magsulat ngacademic thesis tungkol sa mga pelikula ninyo (Ang kaibigan kong direktor na si R.A Rivera ang gumawa naman ng undergraduate dissertation sa UP tungkol sa mga pelikulang pinagtampokan nina Joey at Rene Requiestas. Naka-uno daw siya kay Dr. Nicanor Tiongson). Kaya kong magdiskurso tungkol sa parodic element ng Ready… Aim… Fire at Forward March laban sa estado ng kapulisan at militar nung ’80s. Puwede rin nating pag-usapan ang Doctor, Doctor I Am Sick bilang isang satirikong pagpuna sa medical malpractice (genius ang eksenang kinukunan ng 1,000 cc ng dugo si Palito), ang mga surrealistikong katangian ng Fly Me to the Moon, ang pagsubvert ng Kabayo Kids sa imahen ng Japanese superhero groups at paghihinete sa Pilipinas, ang Ma’am May We Go Out bilang isang critique ng Philippine educational system, etc.
Joke lang. Sinusubukan ko lang i-justify. Pero sa totoo lang, ika nga, silliness is its own joyful justification. Gusto ko lang ipakita lang na hindi ako high-brow snob na nanggagaling sa kawalan (Alam mo yung mga tipong manonood ng Bresson o Godard para aliwin ang sarili?).
Sabihin na lang natin na kayong tatlo ang Gomburza ng komedya para sa aming henerasyon. Kung ano man ako ngayon bilang tao at manlilikha, siguradong may bahid ng inyong impluwensiya. Nakatatak sa kamalayan namin ang mga eksena, ang mga “acheche!”
Sumusulat ako dahil film fest na naman.
As usual, ikaw na naman ang topgrosser. May special effects at mga engka-engkanto man o wala. Ang tindi lang talaga ng pulso mo sa bata, kaya naman ikaw ang consistent topgrosser. Bagong record daw: P50.4 million?
Pero kapapanood ko lang nung My Little Bossings. May problema ako eh. Malaki.
Saan ba tayo magsisimula?
Sabihin na lang natin na hindi ako ang audience ng My Little Bossings. At tama nga—paglabas ko ng sinehan, puro mga chikiting ang nakapila. Obvious naman kung anong demographic ang puntirya nito. Alam ko ang unang depensa niyo ng mga producers: hindi ako ang audience niyo. “Eh di huwag ka na lang manood.”
Pero huwag naman ganun, Bossing.
Nagbayad ako ng P220 kaya karapatan ko bilang manonood na magbahagi ng saloobin.
Gaano niyo ba kabilis ginawa ito? May pakiramdam ito na parang tatlong araw lang eh, parang minadali, or what we in our circles refer to as: PNY (“Puwede na ’yan.”)
Hindi kami nagbayad ng P220 para bentahan ng pancit canton, tinapay, sabong panlaba, cough syrup, at kung ano-ano pang produkto ang ine-endorse ninyong dalawa ni Kris Aquino. Ganoon na ba kayo ka-desperado? Hindi naman siguro.
Hindi kami nagbayad ng P220 para lunukin ang storyline na may babaeng willing magbayad ng P20 million para patirahin ang anak sa bahay ng accountant niyang hindi naman niya ka-close. Mahirap lunukin ang kuwento na may babaeng milyonara at edukada na magpapadala sa banta ng salbaheng kapatid na isisiwalat raw sa media na siya (Kris) ang mastermind ng pyramiding scam (Nalito ka ba? Ako rin eh).
Mabuti na lang at nandun ka, bossing. Nandun din si Ryzza. At higit sa lahat, nandun si Aiza na ako’y hindi natatakot na ideklara bilang isa sa mga pinakamahuhusay na artista ngayon.
Kulang sa exposure yung batang babaeng mataba. Ang ganung level ng pagka-cute, dapat nasa kanya ang 90% ng camera. Yung batang lalaki naman… Ano ba… sana magaling magbasketbol paglaki niya (Saka kung gusto niyang mag-artista sa Pilipinas, mag-aral siya ng Tagalog).
Pero bossing, maiba tayo: hanggang ganito na lang ba?
Pagkakataon niyo na sana. Kayong dalawa ni Kris Aquino ang dalawa sa mga pinakamakapangyarihang pangalan sa showbiz ngayon. Ang daming nagtitiwala sa inyo. Ang dami-dami niyong puwedeng gawin. But this is the best you can come up with? ’Wag niyo sabihing “Pinaghirapan namin ito,” dahil maglolokohan lang tayo.
’Wag niyo ring sabihing, “Ano bang problema mo? Eh masaya naman sila.” Please naman.
Take note: hindi nanood ang mga tao ng My Little Bossings dahil tingin nila’y maganda ang plot at storyline—wala naman ito sa mga trailer eh, hindi pinakita. Pero hindi naman porke naka-bangko kayo sa ka-kyutan ni Ryzza Mae at patawa mo ay PNY na lang ang ibang aspekto ng pelikula.
Sa totoo lang, ang huling pelikula mong pinanood ko sa sinehan mismo habang film fest ay Iskul Bukol: The Reunion. Bilang miyembro ng henerasyon na lumaki sa Iskul Bukol, sabihin na lang natin na ako’y disappointed—dahil kalahati ng pelikula ay nauwi pa rin sa mala-Enteng Kabisote na habulan, barilan, at pakikipagdigma sa mga pantastikong nilalang (Ang saving grace lamang ng pelikula ay ang linya ni Joey de Leon na “I want to be an eskimo/ Es, es, / Ki-…”).
Bossing, heto lang talaga ang gusto kong sabihin. Ngayon ikaw ay nasa maimpluwensiya at makapangyarihang posisyon. Kaya mong gumawa ng mga pelikulang makabuluhan, isang pelikulang maipagmamalaki ng lahat sa punto de bista ng kultura at estetiko. Hindi ko sinasabing gumawa ka ng indie film na may mga tauhan na nakakatitig lang ng isang oras sa kawalan. Hindi ko sinasabing gumawa ka ng pelikulang tatlong tao lang ang nakakaintindi, yung tipong masusuka ka sa lalim. Hindi ko sinasabing gumawa ka ng pelikulang pang-Cannes. Pero wala namang masama dun, ’di ba? Buti pa nga si ER Ejercito eh, nagte-take ng risks sa mga pino-produce na proyekto (Ampangit lang ng mga poster; siya raw kasi mismo ang nagde-design porke’t VisCom grad daw ng UP Fine Arts).
Hindi ka na rin bumabata. Panahon nang gumawa ka ng pelikulang puwede mong ipagmalaki sa lahat—mula sa iyong mga magiging apo hanggang sa mga “supladong” kritiko. Minsan kasi may punto rin sila.
At least si Dolphy, merong Tatay Kong Nanay. Ang problema, bossing, mukhang wala sa filmography mo—mula sa Good Morning, Titser hanggang sa Enteng ng Ina Mo— ang puwedeng mapabilang sa tinatawag na “canon” ng Pinoy cinema. Kahit isa lang? And don’t even think about remaking Tatay Kong Nanay—that would be sacrilege. Please.
Tingin ko’y posible naman ito. Nasa posisyon ka na kumuha ng mahuhusay na manunulat at director na kayang magbalanse ng komersiyal na elemento at ng tinatawag na diskurso sa kondisyong mortal. Kunwari, sa bawat tatlo o apat na fantasy- o romance-comedy, ano ba naman ang lumikha ng isang komedya na tatalakay sa isang isyu ng lipunan, isang pelikulang kikiliti rin sa kanilang mga puso? Kikiliti na parang hindi “cheap” at parang hindi masyadong pinag-isipan.
You’ve always understood your strength as an actor: for the past several decades, mapa-Enteng man o partner ni Dolphy, you’ve always played the same character. At alam mong click ito—at mukhang ito ang nagugustuhan sa iyo ng Filipino audience, dahil honest ka lagi sa iyong karakter. Pero what if: kunin mo ang prototypical Vic Sotto role at ilagay sa isang sitwasyon na sumasalamin sa kondisyon ng mas nakakarami nating kababayan? Imbes na mga multo at lamanglupa ang humahabol sa iyo, bakit hindi mga abusadong pulis, mga mapang-aping panginoong may-lupa? O kaya’y mga pork barrel scammers. Puwede namang magpatawa pa rin habang nagtataas ng antas ng kalidad ng paggawa ng pelikula. At hindi na nito kailangan ng mga mamahaling special effects. Kayang kaya niyo ’yan—we only have to look at Eat Bulaga’s Lenten specials. May kurot talaga sa damdamin.
Bossing, kahit wala ka sa politika, ikaw ay kasama sa iilan sa industriya na may pagkakataong baguhin ang kamalayan at panlasa ng mga manonood—kahit pa-konti-konti lang.
Sana’y pag-isipan mo ang posterity. Tandaan: iba ang paghusga ng sining at kasaysayan. Twenty years from now, wala nang makakaalala ng My Little Bossings, kahit kumita ito ng lampas P50 million. Hindi ito pag-aaralan at hihimayin sa mga unibersidad bilang halimbawa ng isang mahusay na pelikula. Puwede kang makabola sa festival, pero, ika nga ni Andres Bonifacio, hindi mo puwedeng takasan ang hatol ng kasaysayan. Hindi rin naman kumita ang Kisapmata ni Mike de Leon, pero sino ang nakakaalala sa mga kasabay nito sa 1981 Metro Manila Film Fest: Tropang Bulilit ni Nino Mulach (Ito malamang ang My Little Bossings nung panahong yun), Babae sa Ulog (starring Jean Saburit), Init o Lamig (Dindo Fernando, Gina Alajar), Kamlon ni Ramon Revilla?
Bossing, ayaw mo bang maging Chaplin? Na hindi lang nagpatawa kundi tumalakay din sa human condition at nagkaroon ng komentaryo sa lipunan (The Dictator, Modern Times)?
Alam kong hindi madaling gumawa ng pelikula. At mas accurate: alam kong hindi madaling magproduce. At ikaw mismo bilang producer na nagpapatakbo ng isang kumpanya, isanlibo’t isa ang mga konsiderasyon. Naiintindihan ko na negosyo pa rin ’yan. At hindi lingid sa akin ang maraming hamon sa bawat proyekto (’Yan minsan ang hindi naiintindihan ng ilang kritiko—porke’t walang slum area at handheld camera at Joel Torre o Ronnie Lazaro sa pelikula, basura sa kanila).
Tingin ko naman ay puwedeng gumawa ng pelikulang nakakaaliw at pipilahan ng buong pamilya—na hindi sinasakripisyo ang kalidad ng kuwento. Ang tagal mo nang kumikita, bossing. Malaki-laki na rin ang naibigay sa iyo ng taumbayan. Oras na siguro para sila ay suklian. Magbalik ka naman. To whom much is given, much is required, ika nga ng Bibliya.
Marami kang batang pinasaya at patuloy na napasaya—at isa na ako doon. Tutal Pasko naman, di ba, Bossing? (Christmas season parin hanggang Three Kings.) If Christmas is for children, isip bata pa rin naman ako. Sige na.
Your fan,
Lourd de Veyra